17 pulis sugatan sa demolisyon sa Cavite

Labing-pitong pulis mula sa hanay ng ­Regional Public Safety Batallion ­(CALABARZON), Cavite Police Provincial Office at Cavite ­Public ­Safety Company ang nasugatan sa demolition riot sa ­Sitio Patungan, Barangay Sta. Mercedes sa bayan ng Maragondon, Cavite.

Sa ulat na inilabas ng Cavite Police Public ­Information Office, inihain ng Sheriff mula RTC Branch 15 ng Naic Cavite ang Writ of Demolition, kamakalawa ng umaga, ngunit umalma ang mga residente at pinaulanan ng bato ang kapulisan na nag-resulta rin sa pagkasugat ng 4 na sheriff at 5 mula sa mga demonstrador.

Bunsod nito’y 16 lamang sa kabuuang 68 kabahayan ang na demolis, 43 na security guard ang kinordon ng mga residente sa bahaging ­Silangan sa nasabing Brgy., at pinakawalan lamang pasado alas-kuwatro ng hapon.

Pansamantalang inilagay ni PS/Insp. ­Ernesto Caparas Jr. sa alert level 3 ang sitwasyon sa pangam­bang may mga umusbong pang kaguluhan, lalo’t kilalang kanlungan ng mga ‘maka­kaliwang grupo’ ang lugar.