171 DPWH project sa Bicol inipit ng DBM-Diokno

Kinalampag ng Commission on Audit (COA) ang tanggapan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar dahil sa 172 disaster infrastructure project ng kagawaran sa Region 5 o Bicol Region na iisa pa lamang ang natapos gawin.

Nakasaad ito sa inilabas na ‘Consolidated Report on the Audit of the Disaster Risk Reduction and Management Fund For the Year Ended Dec. 31, 2017’ ng COA.

Base sa COA report, mayroong 172 disaster related infrastructure project ang DPWH-Region 5 na umaabot sa P1,850,736,547.09 ang kabuuang pondo na inilaan pero isang proyekto lamang ang nakumpleto.

Labindalawa sa mga nasabing proyekto ang ginagawa pa sa kasalukuyan habang ang 159 ay hindi pa naipapatupad o napapasimulan.

Ayon sa COA report, ang pagkakatengga ng maraming disaster related infrastructure project sa Bicol Region ay dahilan na rin sa naantalang paglalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) ng tanggapan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, at sa kakapusan ng mga construction material.

“…thus affecting the level of preparedness of the community from the occurrence of natural calamities and increasing the risk of damage to the region in case of disaster,” ayon pa sa COA.

Dahil dito, inirekomenda ng COA sa DPWH na kalampagin ang DBM para ilabas sa takdang oras ang SARO para matiyak ang agarang implementasyon at pagpapatupad ng mga ‘ongoing at unimplemented project’ sa Bicol Region.