Walang awang pinagbabaril ng tandem ang isang 18-anyos na binatilyo sa harap mismo ng kanyang ama sa Quezon City, Lunes ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Detection Unit (QCPD-CIDU), nakilala ang biktimang si Leater Von Copta, tubong Sindigan, Zamboanga Del Norte at residente ng No. 635 Apple St., Brgy. Commonwealth, QC.
Ayon sa imbestigador ng kaso na si PO3 Virgilio Mendoza, nangyari ang pamamaril bandang alas-11:30 ng gabi noong Lunes sa mismong garahe ng pamilya Copta, habang abala ang mag-ama sa pagluluto ng ilalakong bibingka.
Kuwento ni Rico Copta, ama ng biktima, magkatulong sila ng anak sa pagluluto ng bibingka nang biglang sumulpot ang gunman at pinagbabaril sa kanyang harap ang anak.
Naunahan umano ito ng gulat at sobrang bilis ng pangyayari kaya hindi nagawang protektahan ang anak.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene, nakuha ang siyam na piraso na basyo ng bala, 3-piraso ng tingga at isang glass pipe at candy box na naglalaman umano ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Blangko pa rin ang pulisya sa motibo ng pamamaslang.