Isinasailalim sa interogasyon ang isang 18-an­yos na babae na nahagip ng closed circuit television (CCTV) habang itinatapon sa basura ang isang patay na sanggol, kahapon nang umaga sa Sampaloc, Maynila.

Nasa kustodiya ng Manila Police District (MPD)-homicide section si Lani, ‘di tunay na pangalan.

Ayon kay SPO2 Bernardo Cayabyab, imbestigador ng MPD-HS, alas-9:10 ng umaga, nang nahagip ng CCTV, ang suspek na nag-iwan ng isang asul na plastic bag sa tambak ng basura sa panulukan ng M.F. Jhocson St., sa Sampaloc.

Ni-report umano ng isang concerned citizen ang suspek matapos na masaksihan ang kaduda-duda nitong pagtatapon sa plastic.

Sa pahayag ng suspek, mag-isa lamang umano ito sa kanyang boarding house nang magsilang ng sanggol, alas-tres nang madaling-araw. Buhay pa umano ang sanggol nang lumabas ito ngunit nawalan umano ng malay si Lani at nagising na hindi na humihinga ang sanggol.

Nataranta na umano ang suspek sa nangyari kaya naisipan nito na itapon na lamang ang sanggol.

Iimbestigahan naman ng pulisya kung sinadya ng suspek na ilaglag ang sanggol para masampahan ng kaukulang kaso.