18-anyos na dalagang estudyante, pinatay at hinalay sa Quezon City

EDISON REYES

Lahat ng mga makabagong pamamaraan sa paglutas sa isang krimen ay ginamit ni Maj. Monsalve, kabilang na rito ang aktibong partisipasyon ng kanilang Cyber Patroller na susuri sa mga posibleng makuhang lead sa iba’t-ibang mga social networking sites.

Maging ang kuha ng mga close circuit television (CCTV) camera sa mga lansangang patungo sa pinangyarihan ng krimen ay ginamit din ng mga tauhan ng CIDU sa kanilang puspusang pagsisiyasat, katuwang ang mga opisyal ng barangay na nagkaloob ng mga footages na nahagip ng kanilang camera bago pa man madiskubre ang bangkay.

Sinikap din ng mga tauhan ni Maj. Monsalve na kumalap ng iba pang mga posibleng testigo na makapagbibigay ng malinaw na pahayag bago pa mang matuklasan ang bangkay ng dalaga upang kaagad nilang matukoy ang salarin.

Batay na rin sa utos ni Brig. Gen. Esquivel, tumulong din ang puwersa ng Batasan Police Station 6 sa pangunguna ni Lt. Col. Villanueva upang pangunahan ang pag-iimbita sa mga kalalakihang mga persons of interest na lahat ay naninirahan din sa naturang compound sa La Trinidad Street.

Ayon kay Maj. Monsalve, 10 kalalakihan na pawang naninirahan sa naturang lugar ang isinailalim nila sa pagtatanong na bagama’t pawang nagpahayag na wala silang kinalaman sa nangyaring krimen, isa sa kanila ang kaagad nilang tinutukan dahil malaki ang kanilang hinala na may kinalaman siya sa pagpaslang.

Gayunman, matapos ang ginawa nilang pagtatanong mga mga naimbitahang kalalakihan, lahat sila ay pinayagan na ring makauwi lalu na’t wala pa naman silang hawak na matibay na ebidensiya na mag-uugnay isa man sa kanila sa nangyaring pagpatay at panggagahasa.

Natiyak din ng kapulisan na bukod sa pagpatay sa pamamagitan ng mga tinamong mga saksak kanyang leeg, tagiliran at braso, napatunayan din sa ginawang pag-autopsiya sa bangkay ni Allison na ginahasa rin siya ng salarin.

May hinala rin ang kapulisan na bukod sa panghahalay, pinagnakawan din ng salarin ang biktima lalu na’t magulong-magulo na parang hinalughog ang buong silid

Gayunman, bukod sa nawawalang cellular phone at susi ng inuupahang silid, wala ng iba pang mahahalagang gamit na tinangay ang salarin maliban sa suot niyang damit panloob at short pants.

Nakasaad din sa ulat ng pulisya na ang television set at iba pang mapapakinabangang gamit sa loob ng silid ni Allison ay hindi ginalaw ng salarin na naging daan upang maghinala ang mga imbestigador na posibleng naninirahan lamang sa naturang barangay ang may kagagawan ng krimen.

Ilang mga posibleng ebidensiya naman tulad ng kulay silver na kuwintas na may palawit na pang-dog tag, dilaw na pares ng tsinelas at damit na may bahid ng dugo ang nakalap ng mga tauhan ng SOCO nang i-proseso nila ang lugar na pinangyarihan ng krimen.

Tatlong araw makalipas ang pagkakadiskubre sa bangkay ni Allison, nakasilip ng liwanag sa ikalulutas ng kaso ang mga tauhan ng CIDU makaraang iulat ng kanilang Cyber Patroller ang pagkakahalintulad sa suot na kuwintas na may dog tag ng isa sa mga inimbitahang kalalakihan sa nakuhang kuwintas sa pinangyarihan ng krimen.

Nadiskubre ito ng mga tauhan ng Cyber Patroller ng CIDU matapos nilang buksan isa-isa ang facebook account sa online social media networking sites ng mga inimbitahang persons of interest at nakita sa larawang naka-post ng isa habang suot ang kuwintas na may dog tag.

Bukod dito, may isa pang testigong nakuha ang CIDU na hindi binanggit sa ulat ang tunay na pangalan na umano’y nakakita sa lalaking suspek na lumabas sa silid ni Allison bago pa man matagpuan ang kanyang bangkay.

Kaagad namang iniulat ni Maj. Monsalve kay QCPD Director Brig. Gen. Esquivel ang natuklasan ng kanilang Cyber Patroller, pati na ang paglutang ng isa pa nilang testigo kaya’t iniutos kaagad ng opisyal ang pag-TUGIS sa salarin.

Dakong alas-10 ng gabi, Hunyo 10, 2019 araw ng Lunes, tatlong araw makaraan ang nangyaring pagpatay, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng CIDU at Batasan Police Station 6 ang pagdakip sa pangunahing suspek na nakilalang si Elimond Domingo, 25, kapitbahay ng biktima sa La Trinidad Street, Group II, Barangay Payatas B, lungsod ng Quezon.

Si Elimond ang isa sa 10-kalalakihang inimbitahan ng pulisya upang tanungin sa nangyaring krimen matapos maghinala ang mga imbestigador ng CIDU na posibleng naninirahan lamang sa naturang lugar ang may kagagawan ng krimen batay sa nakalap nilang ebidensiya at impormasyon.

Siya rin ang lalaking tinutukoy ng Cyber Patroller ng CIDU na may suot na kuwintas na may dog tag na kahalintulad ng nakuha ng SOCO sa crime scene sa isang larawan niyang naka-post sa kanyang facebook account.

Sa panayam ng TUGIS kay Maj. Monsalve, sinabi niya na positibong kinilala ng hawak nilang testigo si Elimond na kanyang nakitang huling lumabas mula sa inuupahang silid ni Allison bago pa man matuklasan ang kanyang bangkay.

Ayon pa sa opisyal, noong una pa mang inimbitahan nila si Elimond ay nagduda na siya sa mga sagot nito sa kanilang mga tanong, bukod sa hindi aniya mapakali ang lalaki kaya’t sa kanya kaagad itinutok ng buong grupo ang atensiyon upang makahanap pa ng matibay na ebidensiyang mag-uugnay sa kanya sa paggawa ng krimen.

Matapos na basahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine si Elimond ng mga umarestong pulis kabilang ang pagsasabi ng kanyang karapatang manahimik at ang mga kanyang ipapahayag ay maaaring gamitin laban sa kanya, pati na ang pagkuha ng kanyang sariling abogado at kung walang magtatanggol sa kanya ay pagkakalooban siya ng pamahalaan na kanyang pipiliin.

Sa ilalim ng umiiral na batas, kinakailangang basahan ng Miranda Rights ang isang inaarestong suspek na nais isailalim sa interogasyon at maaari niyang ipaubaya ang kanyang karapatan upang malayang magpahayag kahit wala pang kaharap na abogado.

Nang dalhin sa tanggapan ng CIDU si Elimond makaraan siyang arestuhin sa inuupahang silid kasama ang kanyang ina, kaagad siyang isinailalim sa interogasyon ng mga imbestigador at dahil wala na siyang maikakatuwiran pa, inamin na niya na siya ang may kagagawan sa krimen.

Sa kabila ng kawalan pa ng sariling abogado, sinabi sa pulisya ni Elimond na handa siyang gumawa ng kanyang extra judicial confession o isang salaysay na boluntaryo niyang ipapahayag sa pulisya kaugnay sa kanyang ginawang krimen na puwedeng gamitin bilang ebidensiya ng pulisya sa paghahain ng kaukulang kaso sa hukuman.

Sa harap ni QCPD Director P/Brig Gen. Joselito Esquivel, ikinuwento ni Elimond ang buong pangyayari nang pasukin niya sa silid si Allison bago mag-ala-1 ng madaling araw noong Hunyo 7, 2019, araw ng Biyernes.

Bago nangyari ang krimen, sinabi ni Elimond na kainuman niya ang kanyang ina ng Huwebes ng gabi sa loob ng kanilang inuupahang silid,

Nang makatulog na aniya ang kanyang ina matapos ang kanilang pag-iinuman, lumabas siya ng kanilang silid ng dakong alas-12:30 na ng Biyernes ng madaling araw at nang mapadaan siya sa silid ni Allison, namataan niya ang dalaga na papasok sa kanyang silid habang suot ang headphones at nakikinig ng musika.

Dahil aniya sa kalasingan, naisip niyang pasukin upang pagnakawan si Allison kaya’t bumalik siyang muli sa kanilang inuupahang silid upang kumuha ng kutsilyo na kanyang gagamitin na pag-distrungka sa nakasaradong pintuan ng silid ng dalaga.

Idinugtong pa sa pahayag ni Elimond na matapos niyang makuha ang kutsilyo sa loob ng kanilang silid, muli siyang lumabas at nang wala na siyang makitang tao sa kanilang lugar, kaagad niyang tinungo ang inuupahang silid ni Allison at maingat na dinistrungka, gamit ang dalang kutsilyo, ang door knob ng pintuan hanggang tuluyan itong mabuksan.

Nang nasa loob na ng silid, sinabi ni Elimond na nadatnan niya ang dalaga na nakahiga na sa kanyang kama at natutulog kaya’t dahan-dahan niyang kinuha ang cellular phone at susi ng silid.

Gayunman, dahil kahihiga lamang ni Allison, hindi pa malalim ang kanyang pagkakatulog kaya’t sa mga nilikhang kaluskos ni Elimond ay nagising ang dalaga at nakita sa loob ng silid ang suspek.

Sisigaw na sana si Allison upang humingi ng tulong subalit maagap na natakpan ni Elimond ang kanyang bibig.

Tinangkang magpumiglas ni Allison subalit tinarakan na siya ng patalim sa leeg ni Elimond at kahit sugatan, pilit niya sinangga ng kanyang kamay ang mga susunod pang pang-uulos ng hawak ng patalim kaya’t nagtamo siya ng mga tama ng saksak sa braso.

Sinabi ni Elimond sa pulisya na habang nagpapambuno sila ni Allison, unti-unti ng nahubaran ng damit ang dalaga kaya’t nadatnan siyang walang anumang suot na saplot pang-ibaba.

Ikinaila rin niya ang napaulat na ginahasa at pinatay ang biktima at sinabing pagnanakaw lamang ang motibo niya sa pagpasok sa silid ni Allison subalit nagising ang dalaga kaya’t nagawa niyang pagsasaksakin nang tangkain nitong manlaban.

Ayon kay Elimond, kusang nahubad lamang ang damit ni Allison habang nanlalaban sa kanya at hindi niya ginahasa ang dalaga.

Gayunman, nang sabihin sa kanya ni Maj. Monsalve na positibong hinalay ang biktima batay sa lumabas na resulta sa isinagawang pag-autopsiya sa kanyang bangkay, dito na niya inamin na dinaliri niya ang ari ng dalaga.

Inamin din ni Elimond sa pulisya na bukod sa mobile phone at susi ng inuupahang silid ni Allison, kinuha at iniuwi rin niya ang kulay mint green na panty ng biktima, pati na ang kulay rosas niyang short pants at itinago sa loob ng kanilang inuupahang silid.

Dahil dito, kaagad na iniutos ni Brig. Gen. Esquivel sa mga tauhan ng CIDU na balikan ang inuupahang silid ni Elimond at dito nga nila nakuha ang suot na panty at short ng biktima na tinangay rin ng suspek matapos ang ginawang pamamaslang.

Sa pahayag sa TUGIS ni Maj. Monsalve, natagpuan ng kanyang mga tauhan ang underwear at short ng biktima na nakalagay sa isang batya sa loob ng inuupahang silid ng mag-inang Elimond.

Sinamahan din ni Elimond ang mga tauhan ni Maj. Monsalve sa isang maliit na sapa sa may Soliven Street sa Barangay Commonwealth kung saan niya itinapon ang mobile phone ni Allison, pati na ang susi sa inuupahan niyang silid.

Nakita naman kaagad ng mga pulis ang mga tinangay na gamit ng suspek na kabilang sa mga ebidensiyang ihaharap nila sa paghahain ng kaukulang kaso laban kay Elimond.

Matapos makumpleto ng mga tauhan ng CIDU ang lahat ng mga pisikal na ebidensiya, pati na ang mga salaysay ng mga testigo at ang sinumpaang salaysay ng pag-amin ni Elimond sa krimen, iniharap siya sa mga mamamahayag ni Brig. Gen. Esquivel noong Miyerkules, Araw ng Kalayaan sa mismong tanggapan ng QCPD.

Kasama ring dumalo sa ginanap na pulong-balitaan ang ina ni Allison na si Eden at isa pang kaanak na kapuwa hindi maitago ang paghihinagpis nang makita ang larawan ng duguang bangkay ni Allison na kuha ng pulisya sa nangyaring krimen na hindi sinasadyang napabilang sa power point presentation ng kapulisan.

Kaagad namang humingi ng paumanhin si Brig. Gen. Esquivel kay Eden at sinabing hindi sinasadya ang pagkakasama sa kanilang presentasyon ang larawang kuha sa crime scene.

Sa naturang pulong-balitaan din nakakuha ng pagkakataon si Elimond na humingi ng kapatawaran sa ina ni Allison at sinabing nagawa lamang niyang pasukin ang silid ng biktima upang magnakaw dahil sa labis na kalasingan.

Wala aniya siyang intensiyon na halayin ang biktima bagama’t inamin niya na nagawa niyang ipasok ang kanyang daliri sa kaselanan ng dalaga matapos niyang mapatay ang biktima.

Naniniwala naman ang ina ni Allison na posibleng naghinala si Elimond na may naitatabing malaking halaga ng salapi ang kanyang anak dahil batid nila na nagtatrabaho bilang OFW sa Saudi Arabia ang kanyang mister.

Hindi rin naniniwala ang ina at kaanak ni Allison sa pahayag ni Elimond na wala siyang intensiyong halayin ang biktima lalu na’t lumalabas sa pagsisiyasat na bago nangyari ang pagpasok ng salarin sa loob ng silid ng dalaga, una ng tinangkang pasukin ng suspek ang isa pang silid na inuupahan naman ng isa ring dalaga.

Pinatunayan ito ng kasera ni Allison na si Marivic Goloy makaraang ihayag sa pulisya na noong Huwebes ng gabi ng Hunyo 6, 2019, isang araw bago natuklasan ang bangkay ng biktima, tinangka umanong pasukin ni Elimond ang isa pa niyang babaing boarder.

Sabi ni Goloy, sa pagitan ng alas-11 hanggang alas-12 ng gabi, noong HUnyo 6, kinatok ng kinatok ni Elimond ang pintuan ng silid ng isa niyang boarder na hindi na binanggit ang pangalan.

Nang magsalita aniya ang kanyang boarder na hindi niya bubuksan ang pintuan ng kanyang silid, dito na isiniksik ni Elimond ang isang palara sa maliit na siwang ng pintuan kung saan nakasulat ang mga katagang “Sex Tayo, Gusto mo ba?”

Ang pahayag ni Goloy ayon sa kapulisan ay nagpapatunay lamang na hindi lang pagnanakaw ang motibo ni Elimond nang distrungkahin ang pintuan ng silid ni Allison at pasukin kundi may pagnanasa rin siyang halayin ang biktima.

Makaraan namang suriin ng pulisya ang katauhan ni Elimond, natuklasan na nasangkot na rin siya sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga kaya’t bukod sa sinasabing kalasingan, posibleng nasa impluwensiya rin siya ng ilegal na droga nang isagawa ang krimen.

Sa imbestigasyon nina Maj. Monsalve, natuklasan na may standing warrant of arrest si Elimond na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Mitushealla Mansanero-Casiño ng Branch 228 sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Naniniwala rin ang kapulisan na mag-isa lang isinagawa ni Elimond ang pagnanakaw, panghahalay at pagpatay sa biktima kaya’t matapos siyang madakip, inihayag na ang pagsasara sa kaso lalu na’t may extra judicial confession pa ang salarin.

Sa pahayag ni Maj. Monsalve sa TUGIS, kasong robbery with homicide and rape ang kanilang isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa 25-anyos na si Elimond Domingo.

Naniniwala si Maj. Monsalve na matibay ang mga iprinisinta nilang mga ebidensiya sa piskalya kaya’t tiniyak niya sa ina at kaanak ni Allison na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dalaga tulad ng kanilang hiling sa pulisya.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindipinagbabayaran. -30-