18-anyos nahulihan ng bala, baril na may tatak PNP

Arestado ang 18-an­yos na lalaki nang tangkaing takasan ang ‘checkpoint’ ng mga awtoridad at makumpiskahan ng mga bala at baril na may marking ng PNP sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, ang nadakip na si Breyner Carreon, binata, ng No. 2034-27 Adria­tico St., Brgy. 704, Manila City.

Sa report, alas-9:25 ng gabi (Disyembre 22), nagsasagawa ng ‘checkpoint’ ang mga operatiba ng La Loma Police Station (PS-1) na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Camlon Nasdoman, at pinara si Carreon­ na sakay ng motorcycle na may plakang 7609 OM dahil wala itong suot na helmet.

Sa halip na tumigil­ ay pinaharurot pa ni Carreon­ ang kanyang motorsiklo kaya hinabol ng mga pulis at nakorner sa kanto ng Retiro St., malapit sa Isarog St., Brgy. Paang Bundok.

Nang madakma ay nakumpiska kay Carreon­ ang Pietro Beretta Pistol na may serial No. M10975Z na may markang Philippine National­ Police at magazine na may kargang 11 bala.

Ang suspek ay dinala sa istasyon ng pulis­ya habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), Resistance and Disobedience to a Person in Authority o Agents of Such Person. (Dolly Cabreza)