18 batas ni Digong nagmarka sa mga Pinoy – Palasyo

Naniniwala ang Malacañang na ang mga napirmahang mahahalagang batas, executive orders at administrative orders ang isa sa mga dahilan sa mataas na satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Fourth Quarter Survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na mahahala­gang batas ang pinirmahan ng Pangulo ngayong taon na posibleng nagmarka sa mga Pilipino kaya ‘very good’ ang satisfaction rating nito.
“Maraming rason kung bakit 4% ang increase kung iko-compare mo noong September ang mga satisfied sa ating Presidente Duterte. Mayroon pong 18 Republic Act, walong EOs at tatlong AOs,” ani Andanar.

Kabilang aniya sa mga pinirma­hang batas ng Pangulo ay ang Free Irrigation Act, Ease of Doing Business, Philippine Identification System at ang batas sa pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region.

Sa mga EO naman, tinukoy dito ni Andanar ang pagbuo ng oversight committee para sa pagpasok ng third telco, pagbuo ng Boracay Inter-Agency Task Force at ang pagbuo ng national task force para tapusin ang problema sa kilusang komunista sa bansa.

Isa rin aniya sa maituturing na legacy ng Pangulo ay ang pagbabalik ng tatlong kampana ng Balangiga na kasama na sa kasaysayan ng bansa.
“It mirrors the sentiments of the population sa ating Pangulo dahil napakaraming landmarks na RA, EO, AO na pinirmahan si Presidente, at idagdag pa ‘yung Balangiga bells,” dagdag pa ni Andanar. (Aileen Taliping)