Arestado ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD), ang 18 Chinese national na sangkot sa iligal na online gambling matapos ikasa ang pagsalakay sa isang gusali sa Angeles City.

Iprinisinta kahapon ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin sa mga mamahayag ang mga suspek na naaresto noong Marso 18 sa tanggapan ng Royal Priggish International Development Corp. na matatagpuan sa Saver Mall Bldg., McArthur, Highway Balibago ng nasabing lungsod.

Nakumpiska sa gusali ang mga mobile phone, desktop computer, laptop, blank Java card, skimming device, iba’t ibang debit card, sim card, flash drive, router at network hub.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI kaugnay sa operasyon ng illegal online gambling, at nang makumpirma ang operasyon ay kaagad ikinasa ang raid dahilan para maaresto ang mga suspek.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Access Device Regulation Act at Cybercrime Prevention Act of 2002 ang mga suspek. (Juliet de Loza-Cudia)