18 election hotspot tinukoy ng PNP

abante-tonite-oscar-albayalde-002

Labingwalong bayan at lungsod sa buong bansa ang tinukoy na election hotspot ng Philippine National Police (PNP).

Inihayag ito ni PNP Director General Oscar Albayalde matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng idaraos na plebisito para sa Bangsamoro Organic Law na gagawin sa susunod na taon.

Gayunman, hindi pinangalanan ni Albayalde ang 18 election hotspot maliban sa binanggit nito na may isang lugar sa region 1 at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“As of this time, wala pa kaming other recommendations although on the part of the PNP we have at least 18 that are categorized as hotspots,” ani Albayalde.

Inilalagay aniya nila sa kategorya ng election hotspot ang isang lugar base na rin sa mga nakaraang insidente ng karahasan na naitala dito na may kinalaman sa eleksyon at kung may presensiya ng mga rebelde at iba pang grupo na banta sa seguridad.

Pero hindi naman aniya kinakaila­ngang ilagay agad sa kontrol ng Come­lec ang 18 election hotspot na kanilang natukoy.

Samantala, ipinahayag naman ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi pa natutukoy ng poll body ang mga lugar na ilalagay sa kanilang kontrol.
“Wala po. At this point wala pa,” ani Jimenez pero hindi aniya nanga­ngahulugan ito na hindi magkakaroon.

Nauna rito ay inihayag ng Comelec na kanilang ikinukunsidera na ilagay sa kontrol ng poll body ang Daraga, Albay matapos ang pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa nasabing bayan. (PNA)