18 kahon ng alak, naharang sa engineer, 3 pa

NASABAT ng Cavite police ang kahon-kahon na alak na ikinaaresto rin ng apat na katao kabilang ang isang engineer sa Carmona, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Carmona Custodial Center ang naarestong suspek na sina Erwin Ariola, 30, isang Engineer ng Brgy Lantic, Carmona, Cavite; Jerome Jamin, 42, Treasury Staff ng Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas, City, Cavite; Nilo Taro, 42, ng Brgy. Sta. Rosa 1, Noveleta at Silvestre Baldo Jr., 51, ng Brgy. Loma, Biñan, Laguna.

Sa ulat ni Police Major Diana Del Rosario, hepe ng Carmona Municipal Police Station, dakong alas-12:00 kahapon ng tanghali nang magsagawa ng checkpoint ang Carmona MPS sa kahabaan ng Governor’s Drive, sakop ng Brgy. Maduya nang masabat nila ang mga suspek na sakay ng van at kotse.

Nang siyasatin ng pulisya ang sasakyan ng mga suspek, dito tumambad ang kahon-kahon na may lamang ibat ibang uri ng mga alak.

Labing walong malalaking kahon na may laman bawat kahon na 12 Emperador Light Brandy, 1kahon na may laman na 12 bote ng Alfonso Light Brandy at 1 kahon ng San Miguel Light Beer in can ang narekober sa mga ito. (Gene Adsuara)