Umabot na sa 18 ang bilang ng mga empleyado ng Senado ang nagpositibo sa coronavirus matapos sumailaim sa rapid testing bago ang muling pagbubukas ng sesyon kahapon.
Sa 18 nagpositibo, lima sa kanila ay pawang mga staff nina Senador Win Gatchalian, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senador Richard Gordon, Senador Joel Villanueva at Senador Francis Tolentino.
Kinumpirma ni Gatchalian na isa sa kanyang mga staff ang nagpositibo sa antibodies sa naturang rapid testing .
Una rito, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na mahigit 500 mga kawani ng Senado ang sumailalim sa rapid test bago magsimula ang sesyon ng Senado.
Bukod sa mga staff ng mga senador, nagpositibo din ang isang waiter at mga miyembro ng Office of Senate Sergeant-at-Arms o OSAA.
“All 12 brought to the hospital for swab test and quarantine,” pahayag ni Sotto sa kanyang text message sa mga reporter.
Ngayong Martes, panibagong 500 empleyado ng Senado ang muling sasalang sa rapid testing.
Kasama din sa susuriin ang pamilya ng 18 kawani ng Senado na nagpositibo sa virus.
“18 as of the latest count this evening. It will continue tomorrow. Another 500 kits are due to be delivered to the Senate tomorrow am,” sabi ni Senador Panfilo Lacson.
Matatandaan na tatlong senador ang naunang nagpositibo sa naturang virus na sina Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Aquilino `Koko’ Pimentel III, at Sonny Angara.
Matapos ang sumailalim sa dalawang pagsusuri, nagnegatibo ang tatlo subalit muling nagpositibo si Angara sa ikatlong test na isinagawa sa kanya.
Sa kabila nito, tuloy naman ang sesyon ng senador kung saan dumalo ang 15 senador habang walo naman ay sumali sa pamamagitan ng teleconference. (Dindo Matining)