Labing-walo katao ang nadakip ng awtoridad makaraang magsagawa ng anti-illegal gambling operation ang Bulacan PNP sa Malolos City, Meycauayan City at bayan ng Pulilan at Bocaue kamakalawa.
Sa report ng pulisya, apat katao ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Malolos City PNP sa Grand Royale Subdivision sakop ng Brgy. Pinagbakahan, Malolos City nang mahuli sa aktong nagma-majhong sa pampublikong lugar at makakumpiska ng apat na silya, isang mesa, mahjong set at P4,040 cash.
Samantala, 9 katao naman ang nadakip sa Brgy. Iba at Brgy. Lawa sa Meycauayan City nang mahuli ring nagtotong-its at pusoy at makumpiskahan ng 3 set ng playing card at P700 taya.
Sa bayan ng Pulilan ay dalawa pa ang inaresto dahil sa color games sa perya at narekober dito ang ilang paraphernalia sa iligal na sugal at P274 cash habang tatlong katao din ang dinakip sa Bocaue dahil sa pagsusugal ng cara y cruz at marekober dito ang tayang umabot sa P4,500. (Jun Borlongan)