Ginagalugad ng mga pulis ang kahabaan ng Rizal Avenue hanggang sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz, Maynila at 19 na babaeng nag-aalok ng sex kapalit ng pera ang dinampot, Linggo ng madaling-araw.

Isinagawa ito ng mga tauhan ni Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo ng Manila Police District-Station 3 bandang ala-1:30 ng madaling-araw kung saan nakahilera ang mga babae at nag-aalok ng sex sa mga lalaking dumadaan sa mga nabanggit na lugar.

Ayon kay Magdaluyo, kanilang ikinasa ang pagdampot sa mga babaeng nagpapabayad kapalit ng pakikipagtalik bilang tugon sa kampanya ni MPD director Police Brig. Gen. Bernabe Balba laban sa anumang anyo ng prostitusyon at sugal sa lungsod ng Maynila. (Juliet de Loza-Cudia)