Dinakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang 19 na babaeng Russian na hinihinalang nagtatrabaho bilang mga guest relations officer sa isang nightclub sa Clark Field, Angeles City, Pampanga na walang employment visa.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kasama ring naaresto ang dalawang Koreano na pinaniniwalaang recruiter at employer sa ikinasa nilang operasyon noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang dalawang Koreano na kasamang inaresto na sina Jeong Seonghun at Lee Kyurak na nagtatrabaho umano bilang cashier at manager ng club.

Aniya, huli sa akto ang mga babaeng Ruso habang nag-iistima sa mga kustomer ng Club Angel sa Clark Field.

Ang dalawang Koreano ang kumuha umano sa mga Russian para magtrabaho sa Pilipinas.

Nasa P1,500 diumano ang sinisingil na bayad ng mga Ruso para sa kada oras nilang serbisyo.

Sinabi ni Morente na ipade-deport ng kawanihan ang mga dayuhan.

Irerekomenda naman ng ahensya na masampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang dalawang Koreano.

Dinala na ang 21 dayuhan sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City kung saan naroon ang detention facility ng BI upang doon pansamantalang ikulong habang pinoproseso ang kaso laban sa kanila.