Lima katao ang nasugatan habang may 1,000 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos maabo ang mga kabahayan na nilamon ng dambuhalang apoy sa naganap na sunog kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.
Kaagad namang nalapatan ng lunas sa pinakamalapit na pagamutan ang lima-katao na hindi na binanggit sa report ang mga pangalan at pawang mga residente ng Brgy. Addition Hills makaraang magtamo ng gasgas at bahagyang lapnos sa braso sa pagnanais na maapula ang apoy at mailigtas ang kanilang mga gamit na mabilis tumupok sa kanilang kabahayan.
Sa pahayag ni FO1 Christine Pascual ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection (BFP) nagsimulang sumiklab ang sunog dakong alas-4:20 nang hapon sa isang bahay sa Block 22 Ext. Brgy. Addition hills sa hindi pa batid na kadahilanan.
Dahil gawa sa mga kahoy ang karamihan sa mga kabahayan, madaling kumalat ang apoy kaya’t itinaas kaagad sa ikalimang alarma ang sunog dakong alas-5:23 nang hapon.
Halos 20 trak ng bombero mula sa Mandaluyong, Quezon City, Makati, Manila at San Juan ang rumesponde upang tumulong sa pag-apula sa apoy.
Dakong alas-10:15 ng gabi nang tuluyang ideklarang patay ang sunog na umabo sa halos 300 kabahayan.
Nasa P2.5 milyon naman ang halaga ng mga ari-arian na natupok.
Sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.