Nagbigay ng P1 milyong­ pabuya si dating­ bise presidente Jejomar Binay sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadadakip ng mga nasa likod ng pamamaril sa executive assistant ng anak nitong si dating Makati Mayor Jejomar Erwin ‘JunJun’ Binay Jr.

Sa isang pahayag sinabi ng dating bise presidente ang pag-asa nitong lalabas ang katotohanan at hustisya para mailabas ang mga may kagagawan sa pagbaril kay Monalisa Bernardo, na malapit ding kaibigan ng pamilya Binay.

Binaril si Bernardo ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo habang nasa tapat ito ng kanyang bahay sa Brgy. Olympia, alas-8:30 Huwebes nang gabi.

Nagtamo ito ng tama ng bala sa kamay at tiyan at kasalukuyan inoobserbahan sa ospital.

Mariin ding kinondena ni Binay ang nangya­ring pamamaril kay Bernardo at iginiit na walang lugar ang anumang karahasan sa Makati.