1M puntirya ma-COVID test sa Agosto

Kailangang umabot na sa isang milyong Pilipino ang naisalalim sa COVID-19 test pagsapit ng buwan ng Agosto, ayon kay National Policy Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr.

Inihayag ng kalihim sa Laging Handa briefing nitong Sabado, ang target ng gobyerno na bilang ng mga Pilipinong kailangang isailalim sa COVID-19 test.

“We are planning to test more or less 1% or 2% ng ating population. Meaning more or less mga one million ang target namin by August. Tuloy-tuloy po ang gagawin nating test,” ayon kay Galvez.

Samantala, sinabi rin nito na sinisikap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na palakasin pa ang contact tracing sa bansa sa pamamagitan ng pag-recruit ng maraming contact tracer.

Hinimok din ni Galves ang mga local government unit na gamitin ang StaySafe mobile application bilang parte ng istratehiya ng task force para mapalakas ang contact tracing.

Aniya pa, nagkaroon ng 80-90% imporovement sa kakayahan ng gobyerno sa contact tracing.

Inilahad din ni Galvez na simula nang bumili ang gobyerno ng medical grade level 4 quality na mga PPE ay nabawasan ng malaki ang bilang ng mga nasawing healthcare worker.

“Kung titingnan niyo `yung graph ng ating casualties at saka mga na-infect na mga health workers ay talagang bumaba po from March 24 nung nagkaroon tayo ng distribution ng mga PPE,” ani Galvez.