Hindi pa nagsisimula ang 2018 PBA Rookie Draft, ramdam na ni CJ Perez ang pressure.

Mukhang hindi na bibitawan ng Columbian Dyip ang dating NCAA MVP na produkto ng Lyceum bilang top pick mamayang hapon sa Robinsons Place-Manila.

Alam ng 6-foot-2 forward na maraming tututok sa top pick. “Pressure ‘yun, kasi malaki ang expectations ng mga tao sa ‘yo,” anang 25-anyos na tubong Pangasinan.

Gagawin niyang motibasyon ang pressure, pero may isa pa siyang inspirasyon sa pakikihamok sa bagong level – ang panganay niya.

“May baby girl na ako, may pamilya na. Sila ang inspirasyon ko,” ani Perez.

Ipinanganak noong Lunes ang baby nila ng asawa na pinangalanang Ciana Tanisha.

Unang naglaro sa San Sebastian si Perez at binansagang “Baby Beast” dahil sa estilo ng laro nitong hindi nalalayo kay Calvin Abueva, ang The Beast dati ng Stags.

Kahit sino raw ang tumapik sa kanya, susuklian ng lahat ng makakaya niya bawat laro.

“Gusto ko lang mai-contribute ‘yung effort at dedication sa laro mara manalo,” dagdag ni Pe­rez. “Kung sino man ang makakuha sa akin, ‘yung winning attitude talaga ‘yung dadalhin ko.”

Hindi malayong ituloy sa PBA nina Perez at Ro­bert Bolick ang kari­balang nasimulan sa college. Matunog din sa top 3 ang San Beda guard na si Bolick, kasama si Bobby Ray Parks.