1st win ng Creamline

Creamline

Winalis ng Creamline ang Philippine Air Force, 25-23, 25-16, 25-22 upang ilista ang unang panalo kahapon sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa The Arena, San Juan City.

Umiiwas ang Lady Jet Spikers na mabokya, ­lumaban nang ­sabayan sa third set kung saan ay isang puntos lang ang kanilang hinahabol, ­19-20.

Pero hindi pumayag ang Cool Smashers na makaporma pa ang Air Force, pumalo sila ng 4-2 run kabilang ang back row spike ni volleyball superstar Alyssa Valdez para ilagay ang Creamline sa set point, 24-21.

Tumikada si Valdez ng 21 points kasama ang 18 attacks at tatlong service aces upang ilista ang 1-1 karta.

Nag-ambag si vete­ran Ivy Remulla ng 10 markers habang sina ­Francesca Racraquin at Pau ­Soriano ay nagsa­nib ng walong puntos para sa Creamline na natalo sa kanilang ­unang laro laban sa perlas noong Linggo.

“May halong su­werte, maganda rin ‘yung service receive namin, ­hayag ni Creamline assistant coach Sherwin ­Meneses na humalili muna kay head coach Tai Bundit.

Naghabol ang Creamline, 9-16 sa opening set bago umibabaw, 23-22 matapos ang kanilang rally.

Nalasap ng Lady Jet Spikers ang pangala­wang talo sa tatlong laro.