Mga laro ngayon: (Araneta Coliseum)
4:30 pm NLEX Road Warriors vs NorthPort Batang Pier
6:45 pm San Miguel Beermen vs Barangay Ginebra

Tangka ng Barangay Ginebra ang maagang pagkapit sa solo liderato sa pakikipagtipan sa sister squad at nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer sa tampok na laro ngayong araw sa 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Una munang magtatangkang makamit ang ikalawa nitong sunod na panalo at ang unahan sa pwestuhan ang NorthPort Batang Pier laban sa NLEX Road Warriors sa alas-4 ng hapon bago sundan ang inaasahang maigting na salpukan ng Gin Kings at Beermen sa alas-6:45 ng gabi.

Nasungkit ng Batang Pier ang una nitong panalo kontra sa Blackwater Elite, 117-91, tampok ang itinala ng kinuha nitong No.3 overall pick na si Robert Bolick na 26 puntos kasama pa ang tatlong rebounds at tatlong assists sa 35 minutong paglalaro upang makisalo sa liderato.

Gayunman, inaasahang magiging mahigpit ang ikalawang sunod na panalo para sa Batang Pier sa pagsagupa nito sa Road Warriors na agad nakalasap ng kabiguan sa una nitong laro kontra sa Rain Or Shine Elasto Painters 96-87.

Susundan naman ng Gin Kings ang 90-79 panalo kontra TNT Katropa kamakailan sa pagsandal sa mga beteranong sina Japeth Aguilar, na nagtala ng 21 puntos dagdag ang 7 rebounds at 4 assists, pati na si Greg Slaughter na may 15 puntos, 7 rebounds at 1 assist.

Aasahan din ni Gin Kings coach Tim Cone ang rookie na si Teytey Teodoro na nagtala ng apat na puntos sa paglaro ng walong minuto.

“I’ve been watching him when he was still playing for JRU,” sabi ni Cone. “I even look after him at the combine draft but was surprise to see him gain weight. But he assured us to get back in his competitive condition and give all his best for the team.”

Ikinumpara ni Cone si Teodoro sa dati nitong nahawakang si Johnny Abarrientos sa Alaska at maging sa naging MVP ng liga na si Willie Miller.