Isang abogado ang natangayan ng mamahaling relo na umaabot sa P2.5 milyong matapos mabiktima ng modus ng Dugo-Dugo Gang ang kanyang kasambahay, kamakailan sa Quezon City.

Kinilala ni PO3 Rhic Roldan Pittong ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang biktima na si Atty. Ernesto Datu De Vota, 66-anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Laging Handa sa nasabing lungsod.

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-2:45 hanggang 4:25 nang hapon noong Sabado habang nasa Tarlac ang biktima at naiwan sa kanyang bahay ang tatlo niyang kasambahay.

Isa sa kanyang mga kasambahay na nakilalang si Melanie Patanao ang nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang ‘di kilalang babae at tinanong kung iyon ang bahay ni De Vota.

Sinabihan umano si Patanao na luma­bag sa batas trapiko ang kanyang amo at nakabangga ng isang Chinese national at dahil sa hindi makapagsalita umano si De Vota ay siya ang inutusan na tawagan ang kanyang kasambahay para ipakuha dito ang dalawang Rolex ng amo at dalhin sa kanya.

Huli na nang mapagtanto ng kasambahay ang panloloko sa kanya.