MATAGAL na palang tsinugi ng isang talent manager ang handler na namamahala sa career ng iba niyang mga alaga, p­ero quiet lang siya tungkol doon.

Ayaw niyang magduda ang mga tao sa handler na ‘yon at tulu­yang mawalan ng pagkakaki­taan!

Kahit kasi tsugi na si handler sa talent management company ni talent manager, nakakaraket pa rin ito kahit paano at kumukuha ng out of town shows sa mga talent na dati niyang hawak.

Ang nakakaloka, nabuking ng isang aktor na kinupitan siya ni handler.

Kumuha pala ng down payment para sa isang out of town show si handler para kay aktor at ibinulsa na nito ang pera.

Nalaman ‘yon ni aktor and that time, walang masyadong raket si aktor, kaya galit na galit siya sa ginawa ni handler.

Kaagad niyang isinumbong ito kay ta­lent manager.

Pati ang pangungupit ni handler sa talent fee ng isa pang aktor na mister ng isang aktres, nabu­king din.

Sa inis ni talent mana­ger, nag-post siya sa Facebook ng babala at sinabing noon pa man ay tsinugi na niya si handler.

Sabi pa ni talent mana­ger, hindi niya pinangarap na lumala ang ganoong raket ni handler.

Baka lumaki pa lalo ang mata­ngay sa kanyang mga alaga.

***

Kahit nairita kami sa isang babaeng feelingera na- involved sa production ng #HugotPlaylist, nag-enjoy pa rin kami sa Valentine show na ito sa KIA Theater.

Sobrang galing nina Ogie Alcasid, Erik Santos at Ai Ai de las Alas. Tamang-tama ang kumbinasyon nilang tatlo at bonus pa ang special guest nilang si Solenn Heussaff.

Nang makasalubong namin ang isa sa produ­cers ng #HugotPlaylist na si Pops Fernandez, super smile siya nang sabihin sa amin na, “Sold out ang tickets! We’re so happy! Ang ganda pa ng show!”

Sabi namin kay Pipay (tawag sa ex-wife ni Martin Nievera), dapat ay sa mas malaking venue na sila once na mag-repeat ang #HugotPlaylist.

Natuwa ang fans ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid dahil nagpunta siya roon para suportahan ang mister niyang si Ogie.

Ang friend naming si Eileen Marcelo ng House Of Obagi na number one fan ni Regine, akala ay kakanta ang host ng Full House Tonight, pero hindi naman.

***

Buti na lang at moved ang taping ni Eddie Gutierrez ng FPJ’s Ang Probinsyano, k­aya nakapag-Valentine date pa sila ng misis niyang si Annabelle Rama sa concert ni Vice Ganda sa Smart Araneta Coliseum.

Kinilig-kilig si Bisaya dahil noong una, akala niya ay mabubulilyaso ang Valentine date nila ng kanyang Eduardo.

“Buti na lang, wala pa akong na-invite na sumama sa akin sa concert ni Vice!” sey ni Bisaya.

During the concert, naghanap si Vice ng couples na puwedeng mag-kiss na ipinapakita sa kanilang LED screen with matching heart design.

Isa sa couples na ipinakita sina T­ito Eddie at Bisaya at kinanta ni Vice ang kanilang theme song.

“Nakakatuwa naman. Tinanong pa ni Vice kung ilang years na kami ni Eduardo. Sabi ng mister ko, 65 years daw, sabi ko, mali siya kasi 45 years lang!” sey ni Bisaya.