Dinakip ng awtoridad ang dalawang aktor sa gitna ng shooting ng isang pelikula sa Cainta, Rizal dahil umano sa iligal na paggamit at pagsuot ng uniporme ng mga pulis.
Ibinahagi ng producer ng pelikula na si Faustino Angeles Jr. sa kanyang Facebook ang ginawang pag-aresto ng pulisya sa dalawa nitong aktor, na hindi na pinangalanan, sa kanilang taping sa Brgy. San Isidro noong Linggo ng hapon.
Kinukuhanan umano nila ang isang eksena tungkol sa buy-bust nang dumating ang pulisya at sinita ang isinasagawang shooting.
Sa ulat ng Cainta Police, walang permit ang produksiyon ng pelikula para magsagawa ng shooting sa nasabing barangay, bukod dito’y gumamit pa ito ng uniporme ng pulis at pekeng baril na nagdulot ng takot sa mga residente ng lugar.
Paliwanag ni Angeles, makailang ulit na umano silang humingi ng tawad sa mga awtoridad at hindi nito intensiyon na masira ang imahe ng pulisya.
Sinabi naman ni P/Supt. Pablito Naganag, maiiwasan ang insidente kung kumuha umano ang produksiyon ng kaukulang permit sa lokal na pamahalaan at Philippine National Police (PNP) bago isinagawa ang shooting.
Nahaharap sa kasong usurpation of authority at illegal use of uniforms or insignia ang mga naarestong aktor