2 anak na babae tinanggalan ng mana

Dear Atty. Claire:

Magandang araw po sa inyo. May katanungan lang po ako tungkol sa lupa na conjugal property ng aking mga magulang. Apat po kaming magkakapatid dalawang babae at da­lawang lalaki, bago po namatay ang aking ama pinatitulohan ang lupa ng aking mga magulang na nakapangalan lang sa aking dalawang kapatid na lalaki at samantalang kaming da­lawang babae tinanggalan ng mamanahin sa kadahilanan na mga babae raw kami at ang lalaki raw dapat ang bubuhay sa babae.

Kaming magkapatid na babae kahit noong dalaga pa kami at may asawa na todo supporta pa rin financially sa aming mga magulang. Ngayon ang ina namin na buhay pa, nais niyang hati-hatiin ang lupa, ngunit ang dalawa kong kapatid na lalaki ay ayaw nilang ipabago pa ang titulo dahil para raw sa kanila ‘yung lupa. Ano po bang dapat gawing hakbang ligal naming magkapatid na babae para kami ay mabahagian sa dapat naming mamanahin? Maraming salamat po at mabuhay kayo. God bless!
Gumagalang,
Venus

Ms. Venus:
Dapat lamang na ayusin na ninyo ang problemang iyan hanggat malakas pa ang inyong ina.

Una ay dapat na padalhan ninyo ng sulat ang inyong kapatid kung saan isinasaad ninyo na balak na ninyong iayos ang titulo at hatiin nang ayon sa batas bilang mga taga­pagmana ng namatay ninyong ama. Kaila­ngan kasi na mapakita ninyo na nagsagawa kayo ng aksyon na maayos ang gusot bago pa man magkaroon ng kasuhan.

Kung hindi sila papayag sa inyong nais ay dapat na magsampa kayo ng petition for annulment of title at isama ninyo ang prayer na ma-settle ang estate at magkaroon na rin ng partition.

Ang nanay ninyo ang magiging witness ninyo na hindi nagkaroon ng tamang hatian ng estate o mana mula sa inyong ama. Hindi kasi maaaring tanggalan ng mana ang isang anak dahil sa babae siya. May mga ligal na dahilan upang matanggalan ng mana ang isang anak at ang pagiging babae ninyong magkapatid ay hindi kasama sa mga dahilan na isinasaad ng batas. Ang pagtanggal ng karapatan ng mana ng isang anak ay maaaring gawin lamang sa isang last will and testament at hindi sa isang simulated deed of sale o deed of donation.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410 7624/922 0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com.