Nabali ang kanang binti ng isang 2-anyos matapos paghahatawin ng kahoy ng ka-live in ng kanyang lola, kamakailan sa Sampaloc, Maynila.

Nakaratay ngayon sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang paslit na si Benjie, taga-Malabon City.

Arestado naman ng Manila Police District-Police Station 4 ang suspek na si Cedric Domingo Y Garcia, 28, construction worker, taga-Sampaloc, Maynila na sinampahan ng kasong Physical Injury in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Naganap umano ang insidente sa pagitan ng alas-siyete at alas-otso ng gabi noong Marso 4, 2020 sa loob ng bahay ng suspek kung saan sila nagsasama ng lola ng biktima.

Nadiskubre lamang ang pangyayari nang umuwi mula sa trabaho ang lola ng bata na si Charrilyn Juan at makitang nakahiga sa kama ang apo na namamaga ang mukha at may mga pasa sa katawan.

Nabatid na naiwang nagbabantay ang suspek sa bata na nagdahilang nabagsakan ang kanang binti nito ng lamesa kaya nabalian. (Juliet de Loza-Cudia)