Magdaraos ng dalawang araw na prayer rally ang grupong La Independencia Filipinas upang sama-samang ipanawagan ang pagbabago at suporta sa administrasyong Duterte.
Idaraos ito ngayong araw at bukas sa Quirino Grandstand at lalahukan ng mga miyembro ng iba’t ibang sektor sa lipunan tulad ng simbahan, samahan ng mga kapatid na Muslim, non-government organization, mga dating politiko at iba pa.
Binigyan-diin naman ng mga obispo na miyembro ng Liga Independencia Filipinas na kailangan nang ipakita ang pagmamalasakit sa bansa para sa isinusulong na reporma sa pamahalaan.
Kaisa aniya sila ng Pangulong Duterte sa pagpapatupad ng reporma upang tuluyang malinis ang pamahalaan.
Pangungunahan ang naturang panawagan nina election lawyer Glenn Chong, whistle blower Sandra Cam at senatorial candidate Raffy Alunan.
Sa idinaos na pagpupulong kamakailan ng grupo, sinabi nina Chong, Cam at Alunan na mahalaga ang suporta ng taumbayan para tuluyang maipatupad ang pagbabago sa bansa.
Una na rito aniya ang pagtalikod sa mga personalidad na kumakandidato sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan para sa susunod na taon na inaakusahang sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Kumbinsido ang mga ito na mababawasan kundi man tuluyan pang masusugpo ang iligal na droga sa bansa kung hindi bibigyan ng pagkakataon ng mga botante ang mga narco-politician na makapuwesto at makahawak ng kapangyarihan.