2 ASG laglag sa Zamboanga

Zamboanga
Timbog ang dalawang kasapi ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) na matagal nang wanted sa joint law enforcement operation sa harap ng isang fastfood chain sa Zamboanga City kamakalawa.
Kinilala ng Police Regional Office 9 (PRO 9) ang mga dinakip matapos matiyempuhan sa Zaragosa St. na sina Sammer Lanjang at isang kinilala lamang sa alyas ‘Askabal’.
Ang dalawa ay tauhan umano ng napatay na si Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon, at ng isa pang Asirin Taulani, na nag-o-operate sa Basilan.
Matatandaan na si Hapilon ay matagumpay na napatay sa kasagsagan ng giyera sa Marawi City noong nakaraang taon.
Base sa arrest warrant na hawak ng pulisya, kapwa nahaharap sa mga kasong kidnapping with serious illegal detention ang dalawang nadakip.
May kaugnayan pa rin ito sa nangyaring Golden Harvest Plantation kidnapping sa Brgy. Tairan, Lantawan sa lalawigan ng Basilan noong taong 2001.