Arestado ang dalawang babae sa pagbebenta ng ‘chop-chop’ ng mga spare part ng motorsiklo sa pamamagitan ng ‘online’ sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.
Kinilala ng Quezon City Police District Director, Police Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang nadakip na sina Kristine Buluran, 26, housewife at Camille Buluran, 23, kapwa taga-No.1659 Heron St., Brgy. 117, Tondo.
Ang mga suspek ay nadakip sa follow-up operation ng mga operatiba ng Galas Police Station (PS-11) sa pamumuno ni P/Supt Tomas Nuñez sa Brgy. Dona Josefa sa nasabing lungsod.
Una dito ay nag-report sa pulisya ang call center agent na si Kient Dave Faustino na ninakaw ang kanyang Yamaha Mio sporty color matte Orange at may registration No. 1380-1079701, dakong alas-12:00 nang tanghali nitong Pebrero 21.
Pinayuhan umano si Faustino ng co-worker na tingnan ang mga motorcycle spare part na ipinagbibili sa online at dito ay nasorpresa ang biktima nang makita na kasama na ang pares ng ‘shock absorber’ ng kanyang motorsiklo na ibinebenta doon kaya nagsumbong ito sa mga awtoridad at isinagawa naman ang operasyon.