Dalawang bagitong pulis na sangkot sa pamamaril sa isang teenage boy sa Angeles City, Pampanga ang sinibak na sa puwesto.

Kasabay ding inalis sa puwesto bilang command responsibility ang kanilang commander na si Sr. Insp. Dange Cabungkal, ng Angeles City Police Station 4.

Sa kasalukuyan ay inilagay na sa restricted custody ng City Personnel Administrative Holding Unit ng Angeles City Police Station ang mga sinibak na pulis na sina PO1 Aizle Dean Marie Lopez at PO1 Osmond Rivera.

Ang pagsibak ay nag-ugat sa paninita nina Lopez at Rivera sa 16-anyos na si Salman Pundato Macal na sakay ng isang motorsiklo sa A. Santos St., sa Barangay Balibago.

Base sa kuha ng CCTV, nakita na nagpumiglas si Macal at nakatakbo pero hinabol ito ng dalawang bagitong pulis pero hindi na nakuha ng CCTV ang mga sumunod na pangyayari.

Tanging ang kasunod na nakita sa CCTV ay ang tagpong isinasakay na si Macal sa police mobile para isugod sa ospital na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa tama bala sa kanyang gulugod.