2 bakasyunista dedo sa outing

Nauwi sa kamatayan ang outing sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa lalawigan ng Zambales noong Black Saturday at Easter Sunday.

Kinilala ang mga biktimang sina Pjay R. Chavarria, 35-anyos, factory worker at nakatira sa Mangahan, Subic at si Jay-R M. Urbano, 26, self-employed at residente ng Purok-2, Tabalong, Sta. Cruz.

Ayon kay P/Cpt. Jonathan C. Bardaje, chief of police ng San Antonio Municipal Police Station, nagtungo si Chavarria kasama ang pamilya at mga kamag-anak sa Kawayan Beach Resort sa San Antonio noong Sabado nang umaga, gayunman, nalunod ito matapos na mabatid na hindi umano ito marunong lumangoy.

Tinangka pa siyang iligtas ng dalawang tu­rista at isang registered nurse na nasa lugar subalit nabigo ito.

Samantala nalunod naman si Urbano sa Riverside Resort sa Brgy. Lauis, Candelaria nitong Pasko ng Pagkabuhay.

Huli siyang namataan na lumalangoy ala-1:30 nang hapon pero makaraan ang ilang minuto ay namataan na lamang ng iba pang panauhin ng resort ang walang buhay na labi ni Urbano na nakalubog sa tubig. Dinala pa ang biktima sa pagamutan ngunit idineklarang dead-on-arrival. (Randy Datu)