2 bangag nanunog, sanggol nilamon ng apoy

Arestado ang isang lalaki makaraang maiwan umano ang kandila ng gamit nito sa pot session na nagsanhi ng sunog sa isang barangay sa Makati City, habang natusta naman ang tatlong buwang gulang na sanggol sa naganap ding sunog sa Pasay City.

Ayon sa Makati Police, nakatanggap umano ito ng ulat mula sa ilang residente sa Santos Street, Brgy. Tejeros na nagsasagawa ng pot session ang dalawang lalaki ngunit isa lamang naaresto sa kanila na nakilalang si Jhayson Camposano, 27.

Lumalabas na dahil umano sa naiwang kandila na gamit ng suspek at kasabwat nito, sumiklab ang apoy na umabot sa ikalawang alarma at nagresulta sa pagkasunog ng dalawang bahay dakong alas-6:06 Huwebes ng umaga.

Kakaharapin ni Camposano ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at arson.

Samantala, halos hindi na makilala ang labi ng sanggol na nasawi sa isa ring sunog sa Brgy. Maricaban, Pasay City kamakalawa ng gabi.

Nagsimula ang sunog dakong alas-5:27 ng hapon sa Brgy. 178, Maricaban dahil umano sa naiwan ding kandila mula sa kanilang kapitbahay.

Ayon sa ama ng biktima, iniwan niya lamang ang isa pang anak kasama ang sanggol sa loob ng kanilang bahay para bumili ng ulam. Nang sumiklab ang apoy nakatakbo umano palabas ang anak nito ngunit naiwan ang sanggol sa loob ng bahay.