2 bangkay sa puting van kilala na

Tukoy na ng mga awtoridad ang pagka­kakilanlan ng dalawang bangkay na kapwa natagpuang wala nang buhay at naka-packaging tape ang ilang bahagi ng katawan sa loob ng inabandonang van sa Barangay San Rafael IV, Noveleta, Cavite noong Biyernes.

Dumulog sa pulis­ya ang mga kaanak ng dalawang biktima na kinilalang sina Miguelito Estrera at Ronan Muji, pawang taga-Oriental Mindo­ro, ayon sa Noveleta Police.

Nagpaalam umano sina Estrera at Muji, driver ng van at kapalitan nito, na mayroong susunduin pero hindi sinabi kung sino.

Simula umano noon ay hindi nakauwi ang dalawa hanggang sa magulat ang mga ito nang kumalat sa social media ang post hinggil sa puting van na kanilang nakilala dahil sa plate number nito.

Isasailalim naman sa awtopsiya ang mga labi ng biktima para matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito, susuriin din ang van at naging ruta nito mula Oriental Mindo­ro at Batangas port para malaman kung sino ang nakatransak­syon ng dalawa.