Dalawang miyembro umano ng basag-kotse gang ang napatay sa shootout na naganap sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City isang araw pa lamang ang nakalipas matapos na ipagmalaki ng pulisya sa nasabing lungsod na zero crime rate sila sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dala­wang napatay na suspek na parehong nasa hustong gulang at armado ng kalibre .38 revolver.

Ayon sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., naganap ang shootout dakong alas-12:30 ng mada­ling-araw sa panulukan ng Lilac at Gabriel Street, Brgy. Greater Lagro.

Bago napatay ng mga pulis ang dalawang suspek ay nagsumbong umano sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Joe Ismael Pajanustan, 31-anyos, dahil binasag ang salamin ng kanyang nakaparadang Nissan Sentra at kinuha ang isang tablet, laptop at iba pang kagamitan sa loob ng kotse.

Agad nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad hanggang maispatan ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at tila naghahanap pa umano ng panibagong babasagin nilang sasakyan.

Pinara ng mga pulis ang dalawang suspek pero sa halip na huminto ay pinaharurot ang kanilang motorsiklo at nagpaputok umano ng baril kaya hinabol sila ng mga awtoridad.

Nang makorner ay nanlaban umano ang mga suspek dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis hanggang sa bumulagta ang dalawa.

Narekober ng mga pulis ang tablet at laptop ni Pajanustan gayundin ang dalawang kalibre .38 revolver ng mga suspek. (Dolly Cabreza)