Nasawi ang dalawang inosenteng bata, habang walo pa ang sugatan na kinabibilangan ng limang sundalo at tatlong sibilyan, matapos na lusubin ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang community dialogue ng mga residente at militar kamakalawa nang hapon sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Lt. Col. Gerard Monfort, tagapagsalita ng Joint Task Force Sulu, anim na miyembro din ng ASG ang nasawi habang pito pa nilang mga kasamahan ang sugatan sa naganap na engkuwentro.
Kinilala ang dalawang nasawing bata na sina Saiful Abdun, 1-taong gulang at Jahida Usab, 12-anyos.
Nabatid na naganap ang engkuwentro dakong alas-5:35 nang hapon sa Brgy. Igasan ng nabatid na bayan.
Nagsagawa ng pag-uusap ang mga residente ng lugar at militar kaugnay sa puwedeng gawing pangkabuhayan sa komunidad nang lusubin ang pagpupulong ng tinatayang nasa 30 miyembro ng ASG na pinamumunuan ni Mundi Sawadjaan.
Bagama’t nabigla at ilang sundalo ang agad na nasugatan sa unang bugso ng atake ay agad nakabawi ang mga sundalo at nakipaglaban sa mga terorista na tumagal ng mahigit sa 30 minuto.
Matapos na tumakas ang mga armadong grupo at iwan ang mga nasawing kasamahan ay doon na rin tumambad ang bangkay ng dalawang batang nadamay sa engkuwentro habang sugatan ang ilan pa sa mga sibilyan.
Mismong ang mga sibilyan na rin umano ang nakiusap sa mga sundalo na huwag hayaang makapasok ang mga miyembro ng ASG sa kanilang lugar dagdag pa ni Monfort.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang hot persuit operation ng militar sa mga tumakas na mga miyembro ng Abu Sayyaf. (Edwin Balasa)