Naglabas ng swimming ban ang pamahalaan para sa residente at turista sa ilang beach sa Panglao, Bohol at El Nido, Palawan dahil sa mataas na coliform bacteria sa lugar.
Kinumpirma ni Department of Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat ang pagsasara sa publiko ng Alona beach sa Panglao at Buena Suerte beach sa El Nido.
Lumagpas sa 100 most probable number (mpn) ang dalawang baybayin na normal na water quality para sa mga beach.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na dapat ipatupad ng lokal na pamahalaan ng dalawang lugar ang pagbabawal sa mga residente o turista na lumangoy sa nabanggit na beach dahil hindi ito ligtas para sa kalusugan.
Ani pa ng kalihim na maaaring masira ang industriya ng turismo kung mayroong magreklamo lalo na sa social media.
Sinabi ng kalihim na mananatili ang ban sa nasabing beach hangga’t hindi nito naaabot ang normal na level ng coliform.