Kulungan ang kinahantungan ng dalawang babae nang mahuli sa buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Pasay City Police kahapon.
Kinilala ng pulisya ang dalawang nadakip na sina Vivian Ybias, 46, residente ng Brgy. 24, Zone 4, Pasay City at Shirley Evangelista, 40, ng Brgy. 14, Zone 1 sa nasabing lungsod.
Sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team sa bahay ni Ybias, dakong ala-una nang madaling-araw sa Estrella St., ng nasabing barangay kung saan nahuli rin ang kasamahan nitong si Evangelista.
Hindi na nagawang makapalag ang dalawang suspek nang arestuhin sila ng mga pulis matapos bentahan umano ng droga ang poseur buyer sa naturang lugar.
Nasamsam kina Ybias at Evangelista ang tatlong pakete ng umano’y shabu na may timbang na 1 gramo na nagkakahalaga ng P1,000 at P200 buy-bust money.