Dalawang tulak ng droga ang dinakip ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa Plaridel, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ang mga nadakip na sina Ruella Bondoc alyas ‘Wella’ at Maria Fe Najera, alyas ‘Mae-Mae’ na kapwa nakatira sa Brgy. Banga 1st, Plaridel na nakadetine ngayon matapos mahulihan ng tatlong pakete ng shabu, isang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana at drug paraphernalia.

Dakong alas-9:45 ng gabi nang isailalim sa buy-bust operation ang dalawang suspek na kabilang sa drug watch list.

Lumilitaw sa imbestigasyon na ‘di tumigil sa pagtutulak ng shabu ang dalawang suspek na kumagat sa entrapment operation kaya nasakote ng pulisya.