Inaresto ng Marikina Police ang dalawang tulak na bebot matapos na bentahan ng mga ito ng shabu ang isang pulis sa ikinasang buy-bust operation kamakalawa nang gabi sa Brgy. Tumana.

Kinilala ni S/Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina Police ang mga suspek na sina Sittenor Barambangan, 26-anyos at Anna Marie Alanacio, 22, kapwa residente ng Brgy. Tumana, Marikina City.

Isinagawa ang buy-bust bandang alas-10:40 nang gabi sa Block 43 Singkamas St., Brgy. Tumana matapos makatanggap ng tip mula sa kanilang impormante kaugnay sa iligal na pagbebenta ng droga ng dalawang suspek.

Isang pulis ang umaktong buyer at nakipagtransaksyon sa dalawang babae hanggang sa makumpiska ang tatlong sachet ng shabu at P500 buy-bust money.

Nakakulong ngayon ang mga suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act.