By Dolly Cabreza
Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang target-listed drug personality sa bisa ng search warrant sa Zamboanga Sibugay.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron N. Aquino ang nadakip na sina Mobin Manguis Nonong at Adjing Manguis Nonong nitong Mayo 16.
Si Mobin ay naaresto ng puwersa ng operatiba ng PDEA Regional Office IX (PDEA RO IX) na pinamumunuan ni Atty. Jacquelyn L. de Guzman, Regional Director, at local police sa isinagawang implementasyon ng ‘search warrant’ sa Purok Uranus, Sitio Timex, Brgy. Bangkerohan, Ipil, Zamboanga Sibugay.
Nakumpiska sa kanya ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 10 gramo at nagkakahalagang P68,000.00, drug paraphernalia, isang Colt MK IV caliber 45 pistol na may magazine na naglalaman ng pitong live ammunition, at isang improvised shotgun.
Nadakip naman si Adjing sa hiwalay na operasyon at nasamsam dito ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalagang P136,000.00, isang caliber 45 pistol, 4 magazine, 42 piraso ng mga bala, isang caliber 45 holster at sling bag.
Ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa PDEA headquarters habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito.