Huli ang dalawang binata na dumayo pa umano sa Cavite para makakuha ng iligal na droga mula sa ama ng isa sa kanila.

Nag-ugat ang pagkaaresto kina Michael Ryan Forca, 20, at Arvin Taquiqui, 18, nang sitahin sila dahil walang maipakitang quarantine pass at hindi rin nakasuot ng face mask sa Bacoor City, Cavite.

Kasong paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang kinakaharap ng mga naarestong suspek na pawang taga-Muntinlupa City.

Alas-kwatro kamakalawa ng hapon nang hinabol ng mga barangay official ang dalawa habang nagbibisekleta nang tumangging tumigil sa chceckpoint sa Brgy. Queenrow East, ng naturang lungsod dahil sa hindi nila pagsusuot ng face mask.

Nang nahabol, hiningi ang kanilang home quarantine pass at dito nalaman ng mga barangay Tanod na nagmula pa sila sa Muntinlupa City dahilan upang maghinala at inspeksiyunin ang dalawa.

Nakuha sa pag-iingat ng mga ito ang isang sachet ng shabu mula kay Michael na itinago sa loob ng kanyang cellphone na isang Samsung Galaxy Y Pro DUOS.

Nabatid na dumayo pa ang dalawa mula Muntinlupa hanggang Cavite upang umano’y kumuha ng shabu sa ama ni Michael na isa rin diumanong tulak para pambenta. (Gene Adsuara)