Dalawang menor de edad na grade 5 at 7 student ang nahuli na aktong tinatangay ang isang nakaparadang motorsiklo sa harap ng isang gusali sa Bacoor City, Cavite.
Hawak na ng Bacoor City Social Welfare ang Development ang dalawang binatilyo na 13 at 16-anyos na parehong naninirahan sa Dasmariñas City.
Sa report ni PO1 Edilberto Reyes ng Bacoor City Police Station, dakong alas-5:40 nang hapon nang maaresto ang dalawa sa aktong tinatangay ang isang Yamaha Mio na pagmamay-ari ng 31-anyos na si Mark Joseph Cuevas, binata, isang negosyante, at taga-Bacoor City.
Isang pizza delivery boy ang nakakita sa dalawang binatilyo na kinakalikot ang ignition key ng motorsiklo.
Nagduda ito na hindi pag-aari ng mga bagets ang motorsiklo kaya ipinaalam ito sa isang nagpapatrolyang police mobile kung saan sakay sina PO2 Jojo Mendoza at PO1 Erwin Salem.
Sinita ng dalawang pulis ang mga bagets habang sinisira nila ang ignition key ng motorsiklo gamit ang isang metal pick lock, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Personal namang kinilala ni Cuevas na pag-aari niya ang nasabing motorsiklo na nakaparada lamang sa harapan ng nasabing gusali kung saan siya nakatira.