Bangkay na itinanghal ang isang hindi pa kilalang lalaki habang malubha naman ang isang babae makaraang pagbabarilin ang mga ito ng hindi kilalang suspek sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktimang agarang nasawi sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ay sinasabing nasa 35-40-anyos, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, may tattoo sa dibdib na hugis puso, at nakasulat ang EVER at DJ.
Under observation naman sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang babaeng biktima na nakilalang si Noemi Acosta.
Base inisyal na imbestigasyon ni PO2 Julius Raz, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nangyari ang krimen dakong alas–11:50 ng gabi sa harap ng Pangasinan Eatery sa Commonwealth Avenue malapit sa Villongco St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Base sa pahayag ng isang Nicky Montaray, vegetable vendor, abala umano siya sa kanyang mga paninda nang biglang umalingawngaw ang tatlong malalakas na putok ng baril.
Kasunod umano ng pag-alingawngaw ng putok ay nakita na lamang niyang pinagkakaguluhan na ang mga biktima.
Mabilis na sinaklolohan ang mga biktima at isinugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ang hindi kilalang biktima habang patuloy na inililigtas sa tiyak na kapahamakan si Acosta.