Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang dalawang Canadian national na nahulihan ng mga droga na aabot sa P100 milyon ang halaga noong 2014 sa Brgy. Poblacion, Makati City.
Sa 11 pahinang desisyon na inilabas ni Acting Presiding Judge Selma Palacio Alaras ng Makati Regional Trial Court Branch 63, kinilala ang mga akusado na sina James Clayton Riach at Ali Memar Mortazavi Shirazi.
Bukod sa habambuhay na pagkakulong, pinagbabayad din sila ng hukuman ng tig-P500,000 bilang danyos perhuwisyo.
Magugunitang inaresto sina Riach at Shirazi ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation matapos nilang bentahan ang mga operatiba ng cocaine, shabu at ecstasy sa isang buy-bust operation na isinagawa noong 2014 sa Gramercy Residences na matatagpuan sa panulukan ng Kalayaan Avenue at Salamanca St., Brgy. Poblacion sa nasabing lungsod.
Umaabot sa P100 milyon ang kabuuang halaga ng mga droga na nakumpiska sa mga suspek.
Dahil sa mga ebidensiyang isinumite laban sa mga akusado, napatunayang ‘guilty’ ang mga ito sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.