2 cash aid beneficiary, 3 pa kalaboso sa sugal

Swak sa selda ang limang katao, kabilang ang dalawang benepisyaryo ng social amelioration program (SAP), dahil sa pagsusugal sa San Jose City, Nueva Ecija noong Sabado.

Sa ulat ni P/Lt. Colonel Heryl Bruno, kinilala ang mga naaresto na sina Joan Tarlit Diego, 32; Charlie Villota Cabico, 35, na kapwa tumanggap umano ng P6,500 mula sa SAP. Huli rin sina Katrina Tarlit Ganaban, 30; Jovellyn Diego Sanchez, 29 at Sally Sanchez Longalong, 33, pawang mga residente ng Brgy. Sto. Tomas.

Alas-tres ng hapon nang matiyempuhan umano ng mga awtoridad ang paglalaro ng baraha ng mga suspek at nakuhanan pa ng 2 set ng baraha at cash na aabot sa P725 na sinasabing taya sa sugal.

Kasong paglabag sa PD 1602 dahil sa pagsusugal ang kahaharapin ng mga naarestong suspek. (Jojo De Guzman)