Dalawang tulak ng droga mula sa Cavite ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mahulihan ng P3.4 milyong shabu sa Brgy. San Jose, Milaor, Camarines Sur.

Sa ulat ni PDEA-Bicol acting Regional Director Christian Frivaldo kahapon, kinilala ang mga suspek na sina Jane Christine Luzvi Nuevo alyas Jing, 32, may-asawa, at Marlon Luisse Espiritu, 23, binata, kapwa nakatira sa Bacoor, Cavite.

Nasakote ang dalawang suspek makaraang magbenta ng shabu sa isang undercover PDEA agent sa isinagawang buy-bust operation sa Milaor-Naga bypass road sa Brgy. San Jose.

Nakasamsam sa mga suspek ng limang transparent plastic bag na naglalaman ng shabu na may 500 gramo at nasa P3.4 milyon ang halaga.

Kinumpiska rin ng mga operatiba ang Ford Lynx na gamit umano ng mga suspek sa pagtutulak ng droga.

Nakakulong ngayon sa PDEA-Camarines Sur custodial facility ang dalawang suspek.

Ayon kay Frivaldo, umabot na sa P10.2 milyon ang kabuuang halaga ng shabu na nasamsam nila sa loob ng dalawang linggong anti-illegal drugs operation na isinagawa sa Albay at Camarines Sur.