2 Chinese, 31 pa dinampot sa face mask, alcohol raket

Umaabot sa 33 katao ang inaresto kabilang ang dalawang Chinese national na sangkot sa hoarding at overpricing ng mga medical supply katulad ng face mask, alcohol, at sanitizer sa loob ng 48 oras na police operation sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon.

Base sa ulat na isinumite kay Philippine National Police (PNP) Director General Archie Gamboa, nagsagawa ng operasyon ang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group-Detective and Special Operations Unit (CIDG-DSOU) at Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (AFCCU).

Naaresto nila ang dalawang Chinese national na kinilala sa mga pangalang Wang Yongyi at Croline Cheng Lee, supervisor sa isang marketing company. Kasama rin sa inaresto ang isang Bernadette Santos.

Nabatid na isinailalim ang tatlo sa entrapment operation sa Protacio St,. Barangay 97, Pasay City matapos na magbenta online ng overpriced na surgical mask noong Sabado sa halagang P1,700 kada kahon na naglalaman ng 50 piraso nito.

Nakumpiska ng mga awtoridad sa bodega ng mga suspek ang aabot sa 5,110 kahon ng mga surgical mask na aabot sa halagang P8,687,000.

Sinampahan na ng kaukulang kaso ang mga suspek dahil sa ginawa nilang paglabag sa batas.

Samantala 13 operasyon naman ang isinagawa ng CIDG sa Tondo at Sta. Cruz, sa Maynila; Quezon City; Iligan City, Isabela; Olongapo City; Tarlac; Bataan; Cabanatuan City, Nueva Ecija; at Cagayan de Oro City, na nagresulta sa pagkakadakip ng 30 pang katao at nasamsam ang P4.2 milyong halaga ng mga alcohol, sanitizer at face mask.

Ayon kay Gamboa, seryoso sila sa pagdakip sa mga hoarder at nagbebenta ng mga medical supply ngayong panahon ng enhanced community quarantine kaya payo nito sa mga nais magsamantala na huwag nang ituloy ang kanilang panlalamang sa kapwa upang hindi managot sa batas.(Edwin Balasa)