Dalawang Chinese national ang napatay at halos P2 bilyong halaga ng mga hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa buy-bust operation sa Tanza, Cavite kahapon nang hapon.
Mag-aalas-kuwatro ng hapon nang ikasa ang buy-bust ng PDEA Calabarzon sa isang bodega sa Brgy. Amaya 1 sa bayan ng Tanza.
Pero matapos magkabentahan ay nakahalata umano ang mga suspek na kinilalang sina Vincent Du Lim at Hong Li Wen na operatiba ang kanilang katransaksyon.
Agad bumunot ng baril ang mga suspek at pinutukan ang operatiba na agad namang nakaganti ng putok at nagresulta sa pagkamatay ng dalawang Chinese national.
Base sa ulat ng PDEA, negosyo sa tiles ang ginagawang front ng mga suspek na may tatlong linggo pa lamang nangungupahan sa naturang bodega na sinalakay ng PDEA kasama ang mga operatiba ng Cavite Police.
Ayon kay PDEA-4A Regional Director Adrian Alvariño, mga miyembro ng transnational syndicate ang mga napatay na suspek na magbabagsak sana umano ng shabu tiyempo sa Chinese new year.
Lumalabas din umanosa inisyal na imbestigasyon na posibleng sa dagat ipinupuslit ang mga shabu dahil basa ang nasa mahigit 100 bag ng shabu na kanilang nasamsam.
Ayon kay PDEA Deputy Director for Operations Atty. Ruel Lasala, posibleng sa pamamagitan ng ‘shipside smuggling’ naipasok ang mga droga sa bansa