2 Chinese kidnapper todas sa shootout

Patay ang dalawang pinaniniwalaang Chinese national na kidnaper ng kanilang tatlong kababayan matapos ang naganap na engkwentro kontra sa awtoridad, Huwebes ng umaga sa Forest Park sa Angeles City, Pampanga.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing suspek na pinaniniwalaang mga Chinese national base sa kanilang mga itsura. Sinasabing konektado umano ang mga ito sa naganap na kidnapping ng tatlong Chinese national na nasagip ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) nito lang Hunyo 1 sa Angeles City.

Sa inisyal na ulat, kinukumpleto ng PNP-AKG kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Angeles City ang kanilang imbestigasyon hinggil sa pag-rescue ng tatlong Chinese national noong Hunyo 1 sa nasabing lugar dakong alas-9:00 ng umaga nang mapansin nila ang isang puting starex van na nakilalang gamit ng mga kidnappers sa pagdukot sa tatlong biktima sa bisinidad ng Pasay City.

Lalapitan sana ng awtoridad ang nasabing sasakyan subalit inunahan na sila ng putok ng mga suspek sa loob ng sasakyan na ikinatama sa paa ng isang Police Captain Diaz ng PNP-AKG.

Doon na gumanti ng putok ang awtoridad hanggang sa mapatay ang dalawang sakay ng nasabing van.

Nasamsam sa mga napatay na suspek and dalawang 45 cal. pistol, isang M4 5.56 cal. Gun at ang Hyundai Starex van. (Edwin Balasa/Rudy Abular)