Guwardiyado ngayon at inilagay ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang alert list ang dalawang Chinese national na nahuling nagpapatakbo ng isang underground hospital para sa mga pasyente ng COVID-19 sa Pampanga noong nakaraang linggo.
“We have placed them on our alert list to prevent them from leaving the country and ensure their presence while they are undergoing criminal and administrative investigation for their alleged offenses,” sabi ni BI Commissioner Jaime Morente.
Ayon kay Morente, sakaling makita sa airport ang dalawa na kinilalang sina Liu Wei at Hu Shiling ay haharangin at dadalhin ang mga ito sa BI intelligence and legal divisions para sa kaukulang imbestigasyon.
Sina Liu at Hu ay inaresto noong May 19 nang salakayin ng mga pulis ang kanilang clinic sa Fontana Leisure Park sa Clark, Angeles City. Gayunman, pinakawalan sila sa naturan ding araw nang walang kasong naisampa laban sa kanila.
Sinabi pa niya na ang BI ay nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa kaso ng mga Intsik na nahuli sa operasyon ng mga clandestine COVID-19 hospital hindi lamang sa Clark kundi pati na rin sa Makati City na sinalakay din noong Martes.
“I have instructed our Intelligence Division to investigate if these alleged Chinese nationals are legally staying in the country. Should we find they violated our immigration laws, they will be charged them with deportation cases before our law and investigation division,” anang BI Chief.
Aniya inatasan din niya ang mga operatiba ng BI intelligence na hanapin ang apat pang Chinese na COVID-19 patients na sumasailalim sa gamutan sa Clark clinic bago ito salakayin.
“Even if no criminal charges were filed against them, they can be charged for immigration law violations if we can establish that they violate the conditions of their stay in the country,” paliwanag pa ni Morente.
Gayunman, iginiit niya na kung sasampahan ng kasong kriminal ang mga dayuhan, maari lamang silang ma-deport matapos ang kanilang kaso o kailangan munang pagsilbihan ang kanilang sentensya kung sila’y mahatulan. (Mina Aquino)