Hinihinalang mga miyembro ng People’s Liberation Army (PLA) ng China ang dalawang Chinese na sangkot sa pamamaril sa dalawa nilang kababayan habang kumakain sa isang restaurant sa Barangay Bel-Air, Makati City noong Huwebes ng gabi.

Base sa imbestigasyon ni PSSg. Evelyn Quirante, nahaharap sa kasong murder ang dalawang suspek na sina Yang Chao Wen at Liang Yuan Wu matapos ang pagpatay kay Yin Jian Tao, 33, na binaril sa VIP room ng Jiang Nan Hot Pot.
Sugatan naman ang isa pang biktima na si Zheng Kai, 25.

May isa pang kasamahan ang mga suspek pero nakatakas ito. Nahulihan ang mga naarestong suspek ng PLA identification card.

Matatandaang sinabi ng dalawang suspek na dumating sila sa bansa noong Enero 2020 para magtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). Subalit nagtataka ang Makati City Police kung bakit wala silang company ID ng pinapasukang POGO.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa kaugnayan ng mga suspek sa PLA. (Vick Aquino)